-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nagtapos na ang localized lockdown sa ilang lugar sa Midsayap Cotabato.

Matatandaan na unang naitala ang kaso ng local transmission sa lalawigan ng Cotabato kung saan tatlong magkakapamilya ang nagpositibo matapos magkahawaan sa coronavirus disease o COVID-19 nang ma-exposed sa dalawang confirmed case na may travel history sa Davao City.

Kabilang sa mga lugar sa bayan ng Midsayap na isinailalim sa localized lockdown ay ang ilang mga residential compounds sa Poblacion 1 at 6 partikular sa Burgos Street at piling mga establisyemento sa Old Public Market sa Poblacion 1 at Bagsakan Public Market sa Poblacion 5 na pagmamay-ari ni Midsayap Patient No. 7 (MID7).

Masaya namang ibinahagi ng Midsayap – Inter-Agency Task Force na wala nang nahawaan ng COVID-19 na may kaugnayan sa local transmission sa bayan.

Dagdag pa rito, nananatiling nasa maayos na kondisyon ang mga pasyente at patuloy na nagpapagaling.

Sa huling tala ng Rural Health Unit of Midsayap, nasa 17 ang total infections ng sakit sa bayan kung saan 8 rito ang active cases o patuloy na nagpapagaling

Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan ng Midsayap na sundin ang minimum health protocols kontra COVID-19 gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagdistansya ng isang metro o physical distancing at ang madalas na paghuhugas ng kamay.