-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagsuporta ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa panawagan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang gabinete na agarang pagsusumite ng courtesy resignation.

Sa inilabas na pahayag ng naturang grupo na pirmado ni LMP National President JB Bernos ngayong araw, nakasaad dito ang pagsuporta ng grupo sa hakbang ng pangulo kasabay ng panawagan para sa mas mahigpit na kolaborasyon sa mga lokal na pamahalaan.

Hiniling ng grupo kay Pang. Marcos na kasabay ng gagawing pag-repaso sa performance ng kaniyang gabinete ay ikunsidera kung gaano kalawak ang kolaborasyong ginawa ng bawat ahensiya ng pamahalaan sa bawat munisipalidad, sa nakalipas na tatlong taon.

Binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan ng pagpapalakas sa alyansa sa pagitan ng national at local government upang mapagbuti ang pamamahala sa buong bansa.

Sa kabila ng paghahain ng mga miyembro ng gabinete ng kani-kanilang resignation simula ngayong araw, May 22, hinimok din ng LMP ang administrasyong Marcos na panatilihin pa rin ang mga kalihim na nakagawa ng magandang performance, lalo na ang mga departamento na nagawang mapagsilbihan ang mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa grupo, alinmang departamento na nakapagsilbi ng maayos ay tiyak na mayroong mabuting kalihim – kalihim na marunong makinig at maalam sa sitwasyon sa ground – mga kalidad na maaring ikunsidera para manatili ito sa pwesto.

Samantala, sa kabila ng pagiging sensitibo ng isasagawang review ay nagpahayag din ng tiwala ang grupo sa kabuuan ng proseso na tiyak umanong magpapalakas sa pamamahala ng kasalukuyang administasyon.