-- Advertisements --

Epektibo sa darating na June 1, ganap na ala-1:00 ng hapon, aalisin na sa buong Cavite ang ipinatupad na liquor ban sa gitna Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.

Pero kasabay nito ay inisa-isa ni Gov. Jonvic Remulla ang mga patakaran sa pagpayag na makapagbenta at makabili na uli ng mga alak.

Kabilang dito ang pagtatakda ng oras sa pagbenta at tanging mga quarantine pass holder lamang ang maaaring makabili.

Sa loob lamang ng bahay papayagan ang “inuman session” at bawal magpagala-gala sa lansangan ang mga “may tama na.”

Hindi rin muna papayagan ang mag-videoke at mass gatherings.

Sa ngayon aniya ay ang mga nakalista lamang ang magiging gabay ng mga taga-Cavite at posible pang magbago sa mga susunod na araw.

Maaga na rin itong nagbabala na mayroong “undercover” ang Philippine National Police na iikot para bantayan ang mga nagbebenta at bibili sa oras na ma-lift na ang liquor ban.

Samantala, sunod na umanong ibibigay ng 52-year-old governor ang bagong mall policy sa Cavite bukas.

Matatandaang simula sa June 1 ay nasa ilalim na lamang ng general community quarantine (GCQ) ang National Capital Region.

Habang ang probinsya ng Cavite ay una nang inilagay sa GCQ nitong Mayo 16.