-- Advertisements --

Naniniwala si Health Sec. Francisco Duque III na ligtas nang magbukas ang klase ng mga eskwelahan sa Agosto kung masusunod ang ipinapatupad na minimum health standards.

Sa pagharap ni Duque sa virtual hearing ng Senate Committee on Health nitong araw sinabi ng kalihim na pinag-aaralan pa rin nila ang rekomendasyon balik-eskwela sa naturang buwan.

“Ang kinakailangan lang po dito siguraduhin lamang ang lahat ng ating minimum standards for health ay nakatalaga.”

“Ito po ‘yung physical distancing, frequent washing of the hands, disinfection ng mga silid-aralan, at sinisiguro na ang alcohol, sanitizers andiyan din po.”

Dagdag ng kalihim, makatutulong din ang health screening sa mga papapasuking estudyante at pagbibigay ng advisories sa mga magulang kung paano aalalayan ang mga batang makakaramdam ng sakit.

Una nang sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na maaaring gawin virtually ang mga klase pag nagbalik na ito sa August 24.

Pero ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, tutol siya sa pagbubukas ng klase habang nasa gitna pa ng COVID-19 pandemic ang bansa.

“Wala nang aral, laro na lang unless I am sure that they are really safe. It’s useless to be talking about the opening of classes. Para sa akin, bakuna muna,” ayon sa presidente.