Kinumpirma ni Quezon City Police District Officer-in-Charge PCol. Randy Glenn Silvio na mahaharap sa mga reklamo at kaso ang mga grupo ng mga raliyista na nagsagawa ng protesta sa harap ng House of Representatives kamakailan matapos magkaroon ng batuhan at girian sa naging programa.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Silvio na mahaharap sa mga reklamong direct assault, alarm and scandal, at paglabag sa public assembly act of 1985 ang mga raliyistang nagsimula umano ng gulo sa harap ng Kamara.
Patuloy namang nakamonitor ang QCPD sa mga posible pang kilos-protesta na magaganap sa Quezon City bilang bahagi ng kanilang paghahanda at deployment.
Layon naman nito na tiyaking magiging mapayapa at maayos ang mga programag ikakasa ng mga progresibong grupo bunsod ng patuloy na imbestigasyon ng kongreso sa maanomalyang mga flood control projects sa bansa.
Samantala, pananatilihin namang ipatupad ng QCPD ang maximum tolerance sa mga magaganap na kilos protesta upang masiguro ang kaligtasan ng panig ng pulisya at maging ng mga grupong ito.