-- Advertisements --

Namahagi ng libreng pagkain ang civic group na Para Commuters’ Network sa mga jeepney driver sa Maynila nitong Lunes ng umaga upang matulungan silang makayanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng digmaan sa Middle East.

Nagbigay ang grupo ng chicken adobo rice meals sa mga tsuper, na labis namang nagpasalamat at umaasang mas marami pang tutulong sa kanila.

Ayon kay convenor na si Nanoy Rafael, ginagawa ng mga commuter ang kanilang makakaya upang makatulong, kahit isang libreng pagkain kada araw.

Samantala, nagpatupad din ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng libreng sakay sa ilang lugar matapos umupa ng mga jeepney, kabilang sa kanto ng Pedro Gil at Agoncillo.

Ayon sa mga driver, malaking tulong ito dahil may garantisadong kita sila na P1,000 kada araw mas mataas kumpara sa dati niyang kinikita na halos P200 na lamang matapos ibawas ang gastos sa gasolina.

Sa Iloilo City, nagbukas naman ng community pantry ang Jaro Archdiocesan Social Action Center (JASAC) para sa mga jeepney driver. Dito, maaari silang kumuha ng libreng isda, gulay, at de-latang pagkain. Umabot na sa 379 driver ang natulungan ng programa, at plano pa itong palawakin para sa mga mangingisda at senior citizens.

Sa kabila ng mga inisyatiba, nananatiling alalahanin parin ng ilang driver ang nakaambang panibagong taas-presyo ng langis. Babala ng ilang grupo, posibleng mas marami pang operator ang tumigil sa pamamasada kung magpapatuloy ang pagtaas ng gastos.