-- Advertisements --

ILOILO CITY- Nakakaranas na ng gutom ang mga residente ng isla ng Gigantes sa Carles, Iloilo, dahil nagkakaubusan na ng bigas na tinitinda sa nasabing lugar.

Ito ay kasunod ng pagbabawal ng Philippine Coast Guard sa mga motorbanca na makapaglayag mula sa isla patungo sa mainland dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Kapitan Mateo Solon ng Barangay Gabi, Gigantes Sur, sinabi nito na mag-iisang linggo nang hindi nakakapagbiyahe ang mga motorbanca at hindi na rin nakakapag-angkat ng bigas mula sa mainland ang mga rice retailers sa isla.

Ayon kay Solon, hindi problema ang pambili ng bigas ng mga residente kundi ang kawalan na ng natitirang bigas sa mga tindahan sa isla.

Aniya, hindi na rin nakakapangisda ang mga residente na pangunahing pinagkukunan nila ng pagkain.

Maliban sa mga residente, apektado rin ang mahigit 100 turista sa isla na na-stranded matapos hindi na pinayagang maglayag ang mga pump boats papunta sa mainland.

Napag-alaman na mayroong mahigit sa 16,000 ang populasyon sa nabanggit na isla.