Inalerto na ng Department of Health (DOH) ang lahat ng local government units, pampubliko at pribadong ospital sa buong bansa kasunod ng deklarasyon ng Code Red sublevel 1 dahil sa novel coronavirus disease.
Kumpirmado na kasi ang local transmission ng COVID-19 sa bansa, sa katauhan ng ikalimang nag-positibo kahapon.
Ang lalaking 62-anyos na napabalitang regular na bumibisita sa isang Muslim prayer hall sa San Juan City.
“DOH is quick to clarify that this is a preemptive call to ensure that national and local governments and public and private health care providers can prepare for possible increase in suspected and confirmed cases,” ani Health Sec. Francisco Duque.
Sa ilalim ng Code Red, mapapabilis ang procurement sa mga gamit na kailangan sa pag-responde sa sitwasyon.
Mas magiging maigiting din ang contact tracing, at pakikilusin na ang mga itinalagang laboratoryo sa labas ng RITM para tumulong sa testing.
Maari pa raw itong tumaas sa sublevel 2 kung makapagtatala ng mga dagdag na kaso sa magkakahiwalay na lugar sa bansa.
“Kapag may na-establish na tayong community transmission or several unrelated or unlinkable cluster of cases (from) different places, simultaeneous; if there are transmissions going on.”
Nanindigan ang Health officials na hindi ibig sabihin na nakataas ang alerto ay dapat na ring isailalim sa test ang lahat ng makakaramdam ng ubo at sipon.
“Those persons na nakakaramdam ngayon ng mga sintomas na lagnat, ubo, sipon pero wala namang history of travel (at) alam naman nila na hindi sila nagkaroon ng kahit anong way na makasalumuha yung positibong kaso sa ngayon, hindi kailangan pumunta ng facility,” ani Health Asec. Maria Rosario Vergeire.
“The mere fact that you have a respiratory track infection doesn’t mean that you need to be tested to COVID-19; unless you have been close contacted with these cases,” ani WHO Philippines country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.
Sa ngayon wala pa rin daw impormasyon kung saan nakuha ng ikalimang COVID-19 patient ang sakit, lalo na’t wala itong travel record sa ibang bansa.
Nasa RITM pa rin daw ito sa kasaluyan, kasama ang kanyang asawa na nag-positibo rin at ngayo’y ika-anim ng COVID-19 case ng estado.
Hinihintay naman ng DOH ang opisyal na deklarasyon ng Malacanang sa pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa Pilipinas.