-- Advertisements --

Ihahain ngayon ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang apela laban sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber matapos kumpirmahin ang mga kaso laban sa dating pangulo kaugnay ng mga pagkamatay sa ilalim ng kanyang ”war on drugs” campaign noong siya’y alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.

Ayon kay Atty. Nicholas Kaufman, hihiling sila ng pahintulot na maghain ng apela sa desisyong tinawag niyang “most bizarre” o kakaiba at “Kafkaesque” o mahirap intindihin.

Iginiit niya na tila pumanig umano ang pre-trial chamber sa prosekusyon at hindi isinasaalang-alang ang karapatan ni Duterte sa isang patas na paglilitis.

Kinuwestyon din ng kampo ng depensa ang umano’y kakulangan ng detalye sa mga paratang at ang hindi pagbanggit ng ebidensya sa desisyon.

Samantala, sinabi ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na sa kanyang pananaw ay “pre-judged” na ang kaso at iginiit ang alegasyon ng umano’y sabwatan sa pagitan ng ICC at kasalukuyang administrasyon.

Itinanggi naman ng Malacañang ang mga paratang. Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, naisampa na ang mga kaso noong 2017 pa, bago pa maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at hindi aniya ito konektado sa kasalukuyang administrasyon.

Giit pa ng Palasyo, kung walang naganap na mga pagkamatay, hindi sana umabot sa ICC ang kaso. Aniya, ang mga insidente ay naganap sa ilalim ng implementasyon ng ”war on drugs” at hindi kasangkot ang kasalukuyang Pangulo sa mga ito.