Bagama’t nagdadalamhati, nag-uumapaw naman ang pasasalamat ng maybahay ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., na si Lourdes de la Llana-Pimentel sa lahat ng mga nanalangin sa kanyang asawa hanggang sa huling sandali nito.

Sa panayam kay Mrs. Pimentel, labis ang kanyang pasasalamat dahil ramdam na ramdam nila ang pagmamahal ng taongbayan para sa kanyang asawa.

Ikinatutuwa rin aniya ng kanilang pamilya ang mainit na pagkilala sa mga batas at iba pang naiambag ng dating lider ng Senado para sa ikabubuti at ikauunlad ng buhay ng samabayanang Pilipino katulad na lamang ng Local Government Code.

Ayon kay Ginang Pimentel, dalawang bagay lamang ang hangad sa buhay ng namayapa niyang asawa at ito ay pagsilbihan ang Diyos, gayundin ang publiko.

Ang mahabang karanasan na rin aniya ng dating senador pagdating sa serbisyo publiko ang siyang dahilan kung bakit ito kinikilala ng karamihan bilang isang “Tatay” na nagsisilbing takbuhan para sa opinyon nito pagdating sa iba’t-ibang usapin sa lipunan.

Sa kabila ng pamamaalam ng dating senador, tiniyak ng maybahay nito na kanilang ipagpapatuloy ang legasiyang kanyang iniwan sa pamamagitan ng kanilang mga anak na na nasa larangan din ng serbisyo publiko na sina Sen. “Koko” Pimentel at Commission on Human Rights Commissioner Gwendolyn Pimentel Gana.

Koko on Nene wake