Umaabot na lamang sa 200 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam mula sa dating mahigit 215 meters, ilang lingo na ang nakakalipas.
Ito ay dala ng araw-araw na pagbaba ng lebel ng tubig nito, sa kabila ng ilang mga pag-ulan sa watershed area ng naturang dam.
Batay sa record na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong araw, umaabot na lamang sa 200.70 meters ang antas ng tubig ng Angat, o sampung metrong mas mababa kumpara sa 210 meters na normal high water level nito.
Kung babalikan nitong Lunes, May 12, 2025, umaabot pa sa 201.5 meters ang lebel ng tubig ng Angat.
Ngunit sa loob ng apat na araw ay bumagsak ito ng isang metro. Ito ay katumbas ng mahigit 20 centimeters na pagbaba araw-araw.
Ang naturang dam ang pangunahing supplier ng malinis na tubig sa Metro Manila at karatig-probinsya, habang nagsusuply din ito ng tubig sa mga malalaking sakahan sa Central Luzon (Region 3).
Samantala, sa nakalipas na 24 oras ay umangat naman ang tubig sa ilang malalaking dam sa Luzon tulad ng Binga Dam at Ambuklao Dam.
Nadagdagan ang Ambuklao ng 43 centimeters o halos kalahating metro habang 15 centimeters naman ang ini-angat ng antas ng Binga.
Pawang nagrehistro na ng pagbaba ng lebel ng tubig ang iba pang malalaking dam sa bansa.