-- Advertisements --

Nanawagan ang Lawyers/Commuters group sa pamahalaan ng agarang pagrelease ng fuel subsidy para sa mga public utility vehicle(PUV) drivers.

Ito’y kasunod na rin ng mga panibagong pakiusap mula sa mga transport group na taasan ang pamasahe upang makayanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Ariel Inton, sinabi nito na hindi solusyon ang fare hike dahil magdudulot din ito ng epekto hindi lang sa mga commuters kundi maging sa ilang mga drayber.

Sinabi pa nito na hindi makatarungang ipagpaliban ng gobyerno ang pagpapalabas ng fuel subsidy.

Ayon kay Atty. Inton, nananatiling mataas ang presyo ng krudo kumpara sa mga nakaraang buwan kaya’t patuloy na nahihirapan ang mga tsuper, gayunman, hindi dapat itaas ang pasahe at sa halip ay i-release na lamang ang fuel subsidy bilang patas at makataong solusyon upang hindi na madagdagan ang pasanin ng mga mananakay.

Saad pa nito na kung magkakaroon ng taas-pasahe, tataas din umano ang pasahe ng colorum na mga sasakyan at yung kumpetensiya sa mga legal ay nandun pa rin.

Dagdag pa ng grupo, kung patuloy na ipagpapaliban ng pamahalaan ang ayuda tuwing bumababa nang bahagya ang presyo ng langis, tila ginagawa nitong dahilan ang pansamantalang pagbaba upang tuluyang hindi maibigay ang tulong na nararapat sa mga tsuper.

Kaya naman, panawagan ng grupo sa pamahalaan na huwag maging paasa, tuparin na ang kanilang mga pangako at ipalabas agad ang fuel subsidies na matagal nang hinihintay ng sektor ng transportasyon.