Nanawagan ang lawyers/commuters group ng mas malinaw at bukas na proseso ng imbestigasyon kaugnay ng lumalalim na isyu ng diumano’y mga anomalya sa flood control projects ng bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, iginiit nito na ang kawalan ng sapat na impormasyon para sa publiko — lalo na kung ano ang mga salaysay ng mga resource persons at kung sino ang dapat managot — ay indikasyon ng kakulangan sa transparency.
Sinabi pa ni Atty Inton, hindi sapat ang pagsasabing may kaso ngunit walang konkretong hakbang na ipinapakita sa taumbayan.
“Kaya po ang isa po sa ating panawagan dyan, gawin pong transparent nang sa malaman ng publiko kung ano ba yung sinabi ng mga resource persons na inimbita ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sa ganun ay malaman natin kung ano ba ang itinatakbo dyan,” saad ni Atty. Inton.
Ikinakabahala pa nila na baka ang mga tunay na responsable ay hindi mapanagot, at sa halip ay may “isasakripisyong” opisyal upang iligtas ang mas malalaking personalidad.
Aniya, dapat ay malinaw kung sino ang mga sangkot, at hindi dapat magkaroon ng selective accountability.
“Sa mananagot, merong mananagot. Ang tanong ay yun bang mananagot ba ay siya lang ang dapat mananagot o ang baka may isasakripisyo lamang sila at sasagipin ang ilang opisyal?,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa grupo, bagama’t kailangang igalang ang due process, hindi ito dapat maging dahilan upang maging “overdue process” na nauuwi sa pagka-antala ng hustisya.
Dagdag pa nito na “Justice delayed is justice denied” — at kung walang aksyon sa lalong madaling panahon, mawawalan ng saysay ang buong imbestigasyon.
Kaya naman panawagan nito sa Independent Commission for Infrastructure(ICI) at iba pang kinauukulang ahensya na buksan sa publiko ang mga impormasyon, at tiyaking mananagot ang mga dapat managot.