-- Advertisements --

Nanawagan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa pamahalaan na ilabas na ang fuel subsidies para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers, na patuloy na nahihirapan dahil sa tumataas na presyo ng gasolina.

Ayon sa LCSP, mas makatarungan ang direktang tulong sa mga driver kaysa itaas ang pamasahe at pasanin ang mga commuter.

Batay sa 2025 General Appropriations Act, P2.5 billion ang nakalaan para sa fuel subsidies na sasaklaw sa PUV, taxi, tricycle, at full-time ride-hailing at delivery drivers sa buong bansa.

Sinabi ng grupo na handa na ang Department of Transportation (DOTr) sa pamamahagi ng pondo matapos kumpirmahin ng Department of Energy (DOE) noong Hunyo 2025 na umabot na sa $80 kada bariles ang presyo ng crude oil. Gayunpaman, hindi pa naipalalabas ang subsidy dahil sa bahagyang pagbaba ng presyo ng langis, kahit na nananatiling mataas ito kumpara sa nakaraang mga buwan.

Ayon kay LCSP Atty. Ariel Inton, walang batayan para ipagpaliban ang subsidy kapag naibigay na ang DOE certification.

Binanggit din niya na ang agarang release ng subsidy ang makatarungan at legal na solusyon upang maibsan ang pasanin ng mga driver nang hindi nadaragdagan ang gastos ng mga commuter, na kasalukuyang nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at umano’y katiwalian sa gobyerno.