Todo ngayon ang panawagan ng grupo ng mga guro sa pamahalaan na ibigay na ang kanilang ipinangakong mga benepisyo sa blended learning ngayong nasa gitna pa rin ang bansa sa pandemya na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Alliance of Concerned Teacher (ACT) Sec. General Raymond Basilio, sinabi nitong mag-iisang taon na mula nang tumama nag pandemic pero wala pa rin ang ipinangako ng pamahalaan ibibigay sa kanilang mga benepisyo.
May ilan aniyang guro na mapipilitang magtrabaho sa loob ng 13 buwan na wala man lang makukuhang benepisyo ng vacation or sick leave, kumpara noong pre-pandemic schedule na 10 working months lang ang kailangan bago ang dalawang buwan na summer vacation.
Mas lalo pa raw bumibigat ang workload ng mga guro sa bansa sa ilalim ng distance learning dahil kailangan nilang mag-print, kolektahin ang modules at ipamahagi ito sa mga estudyante.
Dagdag pa ni Basilio na ang eight-hour work rule ay matagal nang hindi nasusunod dahil karamihan ng mga guro ay kailangang gawing available ang kanilang oras para sa mga mag-aaral at mga magulang na may katanungan.
Hindi rin aniya nakatatanggap ang mga guro ng sapat na training at guidance mula sa Department of Education Central Office upang ipaliwanag ng mabuti kung papaano matuturuan ng maayos ang estudyante sa pamamagitan ng distance learning.
Bukod pa rito, mas dumami pa raw ang reports at paper works na hinihingi ng DepEd sa mga guro.
Una nang sinabi ng kagawaran na inaaral nito ang pagpapalawig ng school year para mabigyan ng mas marami pang oras ang mga estudyante na tapusin ang kanilang academic requirements.