-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pormal nang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Iloilo matapos ang iniwang malaking pinsala nang manalasa ang Bagyong Ursula noong holiday season.

Inaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 1 Series of 2020 ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na siyang nagrekomenda na isailalim ang probinsya sa state of calamity.

Napag-alamang nagsumite ng damage report ang mga bayan ng Batad, Balasan, Ajuy, Estancia, Barotac Viejo, Lemery, San Dionisio, Carles, Concepcion, at Sara kung saan mahigit sa 90% ang iniwang pinsala ng bagyo sa agrikultura.

Kasunod nito, maaari nang gamitin ang calamity fund ng lalawigan at madadagdagan rini ang papasok na tulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Napag-alaman na tinatayang 12,000 ektaryang pananim ang nasira at nasa 9,000 magsasaka ang naapektuhan ng kalamidad.