-- Advertisements --

Hindi kampante si dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na tatanggapin ng Marcos administration si dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling payagan ang kaniyang interim release.

Ito ay matapos na hilingin ng defense counsel ng dating pangulo na si Nicholas Kaufman sa Marcos administration na payagan ang dating pangulo na makauwi na sa bansa sakaling pumayag ang International Criminal Court (ICC) sa kaniyang kahilingan para sa interim release dahil sa kaniyang lumalalang kalusugan dahil na rin sa kaniyang edad.

Sa isang live video broadcast, kinuwestyon ni Atty. Roque kung saan humuhugot aniya ng kumpiyansa ang lead counsel ng dating Pangulo na kaya niyang makumbinsi ang mga Marcos para dito sa Pilipinas dalhin ang dating pangulo sa bisa ng interim release.

Natitiyak umano ni Atty. Roque na may hihinging kapalit sakaling tanggapin ng Marcoses ang dating pangulo, at ito ay ang pagreretiro ng buong angkan ng mga Duterte mula sa pulitika, bagay na hindi naman sana aniya mangyari.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Atty. Roque na may iba pang mga bansang handang tumanggap sa dating pangulo kabilang na sa dito ang bansang Belgium at Japan.