Sa resulta ng ginawang medical examination, acute myocardial infarction o atake sa puso ang isa sa sanhi ng pagkamatay ng isang 71-anyos na lalaki sa La Union at hindi novel coronavirus (COVID-19).

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos maitala ang ikatlong mortality sa mga itinuring na patients under investigation.

Ayon kay Health Asec. Maria Rosario Vergeire, bumiyahe sa Taiwan ang lalaki sa pagitan ng January 24 at 31. Na-admit daw ito sa isang ospital sa La Union noong February 11 at namatay ng sunod na araw.

“He manifested with cough, he went to the hospital (with cough) as a symptom. During the course in the wards, he had this deterioration of his condition. Final diagnosis was acute myocardial infarction. He also has chronic obstructive pulmonary disease,” ani Vergeire.

Kabilang ang travel ban sa Taiwan sa tatalakayin sa pag-convene ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ngayong araw.

Iginiit ng chairman na si Health Sec. Francisco Duque III na walang halong pulitika ang pagiging sakop ng nasabing estado sa travel restriction.

“Preliminarily the reason, and the only reason I should like to believe that has been in including Taiwan in the travel ban is really nothing else than public health and safety. That is the only consideration.”

Patuloy namang mino-monitor ng DOH ang lagay ng dalawang repatriates na nasa New Clark City matapos isugod sa ospital ang isa sa kanila. Ang isa naman ay nakitaan daw ng sintomas ng anxiety.

“One repatriate, a 25-year old person, was admitted to J. B. Lingad Hospital due to fever and ear pain. The patient was tested negative for the COVID-19. It was managed as a case our outer ear infection. (He) was brought back to the New Clark City to complete the 14-day quarantine day procedure,” ani Asec. Vergeire.

“Another repatriate, a 25-year old female, will be referred to the Bataan General Hospital and Medical Center for further evaluation and management after exhibiting anxiety related symptom.”

Sa ngayon mas dumami pa ang bilang ng mga PUI na nag-negative sa COVID-19, na nasa 386 na.

May 191 namang naka-admit pa sa mga ospital, habang may 66 samples pang pending ang resulta.