CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga otoridad ang isang lalaki matapos na mahulian ng ipinagbabawal na gamot, hindi lisensiyadong baril at balisong sa Agasian, Ilagan City.

Ang suspect ay si Emilio Blanco, 46 anyos residente ng barangay Alibagu, Ilagan City.

Bago ang pagdakip kay Blanco ay nakatanggap ng impormasiyon ng pamunuan ng barangay Agasian mula sa isang concerned citizen may kaugnayan sa pagpasok ng suspek sa isang bahay sa naturang barangay nang walang pahintulot.

Dahil dito minabuti ng mga opisyal ng barangay na ipagbigay sa mga otoridad na agad namang tinutugan ng mga pulis.

Sa pagtugon ng mga pulis ay kapansin pansin umanong kinakabahan ang pinaghihinalaan bago kumaripas ng takbo para tumakas subalit agad namang naharang at nadakip.

Nakuha sa pagiingat ng pinaghihinalaan ang isang sling bag na naglalaman ng Cal. 38 na baril na may 8 bala na walang kaukulang dokumento, isang pakete na ng hinihinalang marijuana at isang balisong.

Inihahanda na ang kaso laban sa pinaghihinalaan na paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition regulation Act) at Republic act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).