BAGUIO CITY – Pinarangalan ng mga pulis at mga residente ang viral ng dalagitang estudyante dahil sa pagkuha niya ng video at mga larawan sa pagmolestiya ng nahuling teacher/chess coach sa isang batang babae sa Baguio City.

Ayon kay Col. Allen Rae Co, acting city director ng Baguio City Police Office, dahil sa agarang aksiyon ni JM Madinno ay nalaman ang pangmomolestiya ng suspek sa biktima na nagresulta sa agaran nitong pagkahuli.

Unang na-video ng dalagita ang pagmomolestiya ng suspek sa biktima habang nasa loob ng jeep patungo ng Baguio City kahapon mula sa La Trinidad, Benguet.

Muling nakita ng dalagita ang suspek at biktima sa Burnham Park kung saan nakita muli ng dalagita ang paghawak ng suspek sa mga pribadong bahagi ng bata habang abala ito sa cellphone.

Agad itong kinuhanan ni Madinno ng mga larawan kung saan ipinost niya ang mga ito sa social media bago siya nagsumbong sa mga pulis na nagresulta sa pagkahuli ng suspek sa Igorot Park.

Napag-alaman na ang suspek ay chess instructor at guro ng 10-anyos na biktima.

Ayon kay Madinno, natakot siya para sa bata dahil alam niyang bawal ang ginagawa ng suspek at bata pa ang biktima.

Napag-alaman naman na parang kaanak na ng pamilya ng biktima ang suspek na maglilimang buwan nang instructor ng bata.

Nahaharap ngayon ng kasong child abuse ang suspek ngunit posibleng madagdagan sa magiging resulta ng imbestigasyon ukol sa mga ginawa ng suspek bago at pagkatapos ng insidente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here