DAVAO CITY – Agad na dinala sa Davao del Sur Provincial hospital ang isang lalaki matapos itong tinaga dahil sa pagpuna nito sa nilutong lechon sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Kinilala ang biktima na si Sammy Jandoc, 42 anyos, at residente ng Sitio Carubang, Brgy. Astorga, Sta. Cruz, Davao del Sur habang ang nanaga kinilalang si Erick Etik Balerda, 41 anyos at isang coconut harvester at residente rin ng parehong lugar.

Napag-alaman sa imbestigasyon na pumunta ang biktima na si Jandoc sa binyag ng kanilang kapitbahay kung saan isa sa mga handa sa okasyon ay ang lechon baboy na niluto ng suspek na si Erick.

Pinuna umano ng biktima ang nilutong lechon ng suspek dahilan upang magkasagutan ang dalawa.

Hindi matanggap ng suspek ang negatibong komentaryo ng biktima dahilan ng agad na pagkuha nito ng itak at tinaga nito sa katawan ang biktima.

Nagtamo ng malubhang sugat ang biktima dahilan na agad itong isinugod sa ospital.

Agad namang inaresto ng mga opisyal ng barangay at mga tanod ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan.