Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang lalaki ang anim na miyembro ng kanyang pamilya, kasama na ang mga magulang nito, sa bayan ng Rot am See sa Germany.

Ayon sa mga otoridad, nagawa pa raw ng 26-anyos na suspek na tumawag sa emergency services at sabihing namaril ito sa isang restaurant dakong alas-12:45 ng tanghali (local time).

Ang nasabing lalaki, na mayroong gun license, ay dinakip makaraang hintayin nito ang pulisya sa labas ng gusali.

Tumambad naman sa mga kinauukulan ang mga bangkay ng tatlong lalaki at tatlong babae sa loob ng establisimento.

Maliban dito, dalawa pa nitong kamag-anak ang sugatan, habang ang isa ay nasa kritikal na kondisyon.

Napag-alaman din ng mga pulis na nagbanta rin ito sa dalawang menor de edad nitong mga kamag-anak, ngunit wala sa kanila ang nasaktan.

Pinaniniwalaang away sa pamilya ang pinag-ugatan ng insidente.

Inaalam pa ng pulisya sa kasalukuyan ang puno’t dulo ng pamamaril. (BBC)