Pinabubuwag na ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang lahat ng uri ng iligal na sugal sa buong bansa.
Pinahuhuli rin ni Gamboa ang sinumang gagamit sa kaniyang pangalan para maka kolekta ng pera.
“Si chief PNP doesn’t get a single centavo from anyone, kung meron mang gumagamit ng pangalan ko hindi ko yun ino-authorized may sinasabi sila na pinapaipon ng chief, NO! there is no such thing, hulihin nyo lahat, wala akong inutusan, wala akong kinomisyon, I want to make that clear,” pahayag ni Gen. Gamboa.
Una rito winasak sa Camp Karingal ang nasa 56 na video karera machine na nakumpiska ng QCPD na pinangunahan mismo ni PNP chief.
Sinabi ni Gamboa, dapat ay linggo-linggo may huli ang mga pulis upang matapos na ang problema ng PNP sa iligal na sugal.
Hinimok naman ni Gamboa ang komunidad na ireport sa PNP kung may nakikita silang mga iligal na sugal.
Siniguro ni Chief PNP na magiging relentless ang kanilang kampanya sa iligal na sugal sa buong bansa.
Noong nakaraang linggo binalaan ni Gamboa si QCPD dir. Brig. Gen. Ronnie Montejo kaugnay sa talamak na iligal na sugal sa kaniyang area of responsibility.
Nangako naman si Montejo na gagawin ang lahat para mapalakas ang kampanya laban sa illegal drugs at illegal gambling.