-- Advertisements --

Nakapagtala ng iba’t ibang antas ng pagbaha sa ilang kalsada at barangay sa Quezon City ngayong hapon bunsod ng patuloy na malakas na ulan.

Sa Barangay Tatalon, umabot na sa lagpas-ulo (60 inches pataas) ang tubig sa Ilog Erod Villa España. Samantala, sa Barangay Del Monte at Dona Imelda, umabot sa hanggang-baywang (37 inches) ang baha sa Valencia Street corner West Riverside, Navarette Street corner West Riverside, Apollo Street corner West Riverside, at sa mga looban ng Kapiligan Street.

Sa Barangay Roxas, Apolonio Samson, Sienna, Del Monte, at Tatalon, naitala ang hanggang-tuhod (19 inches) na baha sa iba’t ibang kalsada kabilang ang Gumamela Street, Christine Libis Parkway Village, NS Amoranto corner Bingo Street, at ilang bahagi ng West Riverside at Ma. Clara Street.

Samantala, sa Barangay Vasra at Sto. Domingo (Matalahib), umabot sa half-tire deep (13 inches) ang tubig sa Zamboanga Street, Sto. Domingo corner Calamba, Banawe corner Retiro, at ilang bahagi ng Don Jose Street.

Sa Barangay Sienna, naitala ang half-knee deep (10 inches) na baha sa NS Amoranto corner Don Jose Street, Palali Street, at Sct. Alcaraz Street.

May mga lugar din na gutter deep (8 inches) ang baha gaya ng sa Barangay Lourdes, Damayan, Sienna, Damayang Lagi, at Tatalon, partikular sa D. Tuazon corner Ma. Clara, Speaker Perez Maria Clara, West Riverside, Caragay, San Pedro Bautista, at ilang looban sa tabi ng ilog.

Patuloy na pinapayuhan ang mga motorista at residente na mag-ingat at umiwas sa mga binahang kalsada upang maiwasan ang aksidente at abala sa biyahe.