Nanindigan si Sen. Panfilo Lacson na hindi siya mananahimik ukol sa pagharang sa pork barrel na nasa 2020 national budget.

Ayon kay Lacson, mabigat ang labang ito kaya bago pa niya ibinuka ang bibig sa pagpuna ay pinaghandaan na ang posibilidad na mabawasan ng mga kaibigan.

Una nang sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nagkasundo sila ng counterpart sa Kamara na si Majority Leader Martin Romualdez na “ceasefire” muna sa isyu ng budget.

Pero para kay Lacson, konsensya ang kalaban niya kapag nanahimik.

At konsensya rin naman ang pantapat niya sa mga nagsasabing walang pork barrel ngunit ipinipilit ang naglalakihang alokasyon na hindi man lang masabi kung saan mapupunta.