Handa raw si Senate President Pro Tempore Ping Lacson na magbigay ng personal na payo kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng posibleng warrant of arrest mula sa International Criminal Court laban sa senador.
Ayon kay Lacson, tinawagan niya si dela Rosa tatlong araw ang nakalipas upang magbigay ng moral support bilang dating kasamahan sa Philippine National Police (PNP), ngunit hindi ito sumagot sa tawag.
Kinaumagahan, mismong si dela Rosa ang tumawag pabalik, subalit hindi na rin ito nasagot ni Lacson.
Giit ni Lacson, hangad lamang niyang makausap si dela Rosa upang makapagbigay ng payo — hindi para magtago, kundi upang malaman kung paano haharapin ang mga kasong kinahaharap nito sa tamang paraan.
Dagdag niya, mas kumplikado ang sitwasyon ngayon para sa senador dahil ang kaso ay nasa International Criminal Court, hindi lamang sa lokal na korte gaya ng kanyang kaso at ng iba pang senador.
Nang matanong naman si Lacson kung tuturuan ba niya si Dela Rosa kung paano magtago.
Biro nito, kung makapagpasya na raw si dela Rosa na magtago ay tuturuan niya ito na magtago sabay linaw na nasa kamay ng otoridad ang pag-aresto sa senador.
Ipinaliwanag din ni Lacson ang limitasyon ng parliamentary immunity sakaling magtangkang manatili si dela Rosa sa Senado upang maiwasan ang pag-aresto.
Gayunman, sinabi ng senador na susuportahan ng mayorya ng mga senador ang pahayag ni Senate President Tito Sotto na dapat igalang ang kortesiya na huwag basta isagawa ang pag-aresto sa loob ng Senado.
Samantala,humingi na si Senate President Vicente Tito” Sotto III ng legal na opinyon tungkol sa nararapat na hakbang ng Senado sakaling matuloy ang ulat na posibleng ipaaresto ng International Criminal Court (ICC) si dela Rosa.
Ayon kay Sotto, wala pa siyang kumpirmadong impormasyon kung mayroong warrant of arrest laban kay Dela Rosa at hanggang ngayon ay hindi pa niya nakausap ang senador.
Mas pinili niyang humingi ng payo sa mga eksperto kaysa magbigay ng sariling opinyon, dahil kapag nagsalita siya nang direkta, madalas ay nagkakaroon ng maling interpretasyon at batikos.
Dati na ring sinabi ni Sotto na hindi papayagan ng Senado ang pag-aresto kay Dela Rosa o sa kahit sinong senador habang nasa loob ng Senado, lalo na sa panahon ng sesyon.
Aniya, hindi ito pagtatanggol kay dela Rosa kundi pagpapahalaga sa Senado bilang institusyon.















