Reading Time: 1 minute

DAGUPAN CITY – Nangangalap na ng tulong ang mga kaanak ng isang Pilipina na pinaslang ng dating asawa sa Las Vegas, Nevada upang sa gayon ay maiuwi sa Pilipinas ang labi nito.

Una nang kinilala ang biktima na si Karen Lopez, habang ang suspek naman ay ang dati nitong asawa na si Fernando.

Nabatid na kasama ni Karen sa sasakyan ang kanilang apat na taong gulang na anak nang komprontahin siya ng dating mister.

Tumigil sa tapat ng isang bahay ang biktima para humingi ng tulong at ipagkatiwala ang anak.

Pagkatapos nito ay naganap na umano ang pamamaril ng suspek.

Gumanti naman ng putok ang residenteng hiningan ng tulong ng biktima dahilan para mamatay ang suspek.

Napag-alaman na pinagbawalan na ng korte ang mag-asawa na magkita matapos mapawalang-bisa ang kanilang kasal dahil umano sa pagiging abusado at pambababae ng suspek.