-- Advertisements --

Kinumpirma ng Ateneo de Manila University nitong Huwebes na naihatid na sa Nigeria ang mga labi ng yumaong student-athlete na si Divine Adili, na nasawi sa insidente ng pagkalunod sa Aurora nitong buwan.

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ng Ateneo na ligtas nang nakauwi sa kanyang bansa ang mga labi ni Adili sa tulong ng iba’t ibang indibidwal at institusyon na tumulong sa repatriation process.

Matatandaang nasawi si Adili kasama ang kapwa niyang student-athlete na si Rene Clert Baterbonia matapos umano silang malunod sa isang team-building activity ng Ateneo Men’s Basketball Team sa bayan ng Dipaculao noong Hunyo 8.

Ayon sa unibersidad, sinamahan ni Fr. Sigmund “Munching” de Guzman, SJ, ang mga labi ni Adili sa buong biyahe pabalik ng Nigeria at personal ding nakiramay sa pamilya nito sa oras ng pagdating.

“Our University representative, Fr Sigmund ‘Munching’ de Guzman SJ accompanied Divine throughout his journey home and later traveled to be with the Adili family as they received their son,” ayon sa pahayag ng Ateneo.

Ipinabatid din ng unibersidad na nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang mga magulang ni Adili sa buong komunidad ng Ateneo at sa lahat ng tumulong upang maiuwi ang kanilang anak nang may dignidad at paggalang.

Pinasalamatan din ng Ateneo ang Embassy of Nigeria in Manila para sa mahalagang suporta nito sa proseso ng repatriation.

Samantala, nauna nang inilibing si Baterbonia sa kanyang bayan sa Talacogon noong Hunyo 24, habang patuloy na nagluluksa ang pamilya, mga kaibigan, at buong komunidad ng Ateneo sa pagpanaw ng dalawang atleta.