Hindi muna matutuloy ang laban ni Filipino boxing champion John Riel Casimero kay Naoya Inoue ng Japan.

Kasunod ito ng pag-anunsiyo ni Top Rank VP Carl Moretti na nakatakdang makaharap ng Japanese boxer si Jason Moloney ng Australia.

Dagdag pa ni Moretti na inaayos pa lamang nila ang mga kasunduan at kontrata ng dalawang boksingero para sa kanilang 118 championship fight.

Magugunitang makakaharap sana ng Ormoc-native boxer na si Casimero si Inoue noong Abril subalit hindi ito natuloy dahil sa coronavirus pandemic.

Matapos ang anunsiyo ni Moretti ay nawala na ang tsansa ng kampo ni Casimero na makaharap ng Japanese boxer sa buwan sana ng Setyembre o Oktubre.

Nasa Bones Adams Gyms sa Las Vegas si Casimero kung saan dahil sa pagkansela na ng laban ay maaaring ayusin na lamang ng kaniyang kampo ang posibilidad na harapin sina Pedro Guevara ng Mexico o kaya si Raushee Warren ng US.