Umabot na sa spilling level na 80.17 meters ang antas ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City, dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.
Dahil sa pag-apaw ng nasabing dam, inaasahang dadaloy ang sobrang tubig at makakaapekto sa mga mabababang lugar at barangay na matatagpuan sa kahabaan ng Tullahan River.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar na posibleng bahain sa Quezon City ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome.
Apektado rin sa pagtaas ng tubig-ilog ang iba pang karatig-lungsod tulad ng Caloocan, Valenzuela partikular ang bahagi ng North Expressway at La Huerta Subdivision, pati na rin ang Malabon City at Navotas City.
Kaugnay nito, mahigpit na pinapaalalahanan at inaabisuhan ng mga awtoridad ang lahat ng residente na maging mapagmatyag, mag-ingat, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather update at abiso mula sa pamahalaan.
Hinihimok din ang publiko na ihanda ang kanilang mga emergency go bag, i-secure ang mahahalagang gamit at dokumento, at agad na sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan lalo na kung kinakailangan ang pre-emptive evacuation.
Ipinapayo rin ng mga awtoridad na iwasan ang paglusong o pagtawid sa mga baha at rumaragasang tubig upang makaiwas sa anumang sakuna.
Hinihikayat ang lahat na manatiling kalmado ngunit alerto, at agad na makipag-ugnayan sa inyong mga opisyal ng barangay o local Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) sakaling magkaroon ng emergency.
















