-- Advertisements --

Nanawagan si Miss International 2016 Kylie Verzosa kay Miss Grand International (MGI) president Nawat Itsaragrisil na burahin ang isang post na umano’y naglalaman ng kanyang personal number, na maaaring “aksidenteng” naibahagi sa publiko.

Sa kanyang Instagram story noong Huwebes, Mayo 29, sinabi ni Kylie na nakatanggap siya ng maraming tawag at hindi alam kung paano nakuha ni Itsaragrisil ang kanyang numero.

‘Hi @nawat.tv… you accidentally posted the wrong number that happens to be mine… Please take it down,’ ani Verzosa.

Ilang oras matapos ang panawagan, humingi ng paumanhin si Itsaragrisil sa kanyang Instagram Story at sinabing tinanggal na niya ang nasabing post. Ayon sa kanya, may nagpadala lamang sa kanya ng numero at hindi niya napansing kay Verzosa ito.

Hindi malinaw kung saan eksaktong platform ipinost ang numero, ngunit una nang nag-upload si Itsaragrisil ng diumano’y kopya ng pasaporte ng dating MGI titleholder na si Rachel Gupta, na may nakasaad na numerong may Philippine area code.

Mababatid na ang insidente ay kasunod ng kontrobersiyang kinasasangkutan ni Gupta, na kamakailan ay nagbitiw bilang MGI titleholder dahil umano sa mistreatment at kakulangan ng suporta mula sa organisasyon.

Tinawag naman ni Itsaragrisil si Gupta na “unprofessional.”

Samantala si CJ Opiaza ng Pilipinas ang nakatakdang tumanggap ng korona bilang bagong Miss Grand International sa Hunyo 3.