Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang kumpulan ng Chinese maritime militia sa Iroquois reef na matatagpuan sa timog na bahagi ng Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS) na mayaman sa langis at gas ay nangangahulugan na posibleng nagbabalak ang mga ito na kontrolin ang lugar.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ng mga barko ng China ang ganitong uri ng maniobra sa naturang reef bagamat ito ang unang pagkakataon na namataan ang malaking bilang ng mga barko ng China sa lugar.
Kayat base sa kanilang pag-analisa sa presensiya ng mga Chinese maritime militia sa isang partikular na maritime feature ay para makubkob ang lugar.
Ang pahayag ng PCG official ay kasunod ng namataan nito lamang araw ng Biyernes na kumpulan ng nasa mahigit 50 barko ng China sa may bisinidad ng Iroquois reef at Sabina shoal sa West Philippine Sea.
Sa isinagawang air patrol ng Western Command (Wescom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Hunyo 30, namataan ang nasa 48 Chinese fishing vessels malapit sa iroquois reef na nakaangkla subalit wala namang naobserbahang fishing activities ang mga nasabing barko.
Ayon pa sa Wescom, maliban sa chinese fishing vessels, tatlong China Coast Guard ships at 2 People’s Liberation Army Navy vessels ang nakitang regular na namamataan malapit sa Sabina Shoal.