-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) na sa kanila nanggaling ang isang photo na kumalat sa social media na nagpapakita ng umano’y kalendaryo para sa susunod na school year.

Sa nasabing larawan, makikita na magbubukas umano ang School Year 2020 to 2021 sa Agosto 3, at magtatapos sa Abril 16, 2021.

Nakalista rin doon ang schedule para sa quarterly examinations, Christmas break, at iba pa.

“We would like to clarify that the information from a malicious photo circulating online of what is supposedly the school calendar for SY 2020-2021 is false and unofficial,” saad sa abiso ng DepEd.

Inihayag ng ahensya na ilalabas nila ang opisyal na school calendar para sa susunod na taon sa pamamagitan ng isang memorandum, na kanilang ilalathala sa kanilang website at Facebook page.

Nagpaalala naman ang kagawaran sa publiko na maging maingat sa pagpapakalat ng hindi beripikadong mga impormasyon lalo na sa social media.

“We strongly encourage everyone to be responsible and to exercise due diligence to verify accuracy when sharing information online,” dagdag nito.

Una nang sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na malaki umano ang posibilidad na sa buwan ng Agosto na mangyayari ang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa elementary at high school level.

DepEd advisory