Hindi dapat maging hadlang ang ang layo ng mga tirahan para makapag-aral ang mga kabataan ayon kay Senator Christopher “Bong” Go.
Sinabi ni Go ang mga pahayag matapos maging ganap nang batas ang Republic Act No. 12321 o Last Mile and GIDA Schools Act na naglalayong ilapit ang serbisyo ng edukasyon sa mga batang nakatira sa liblib at mahirap maabot na mga komunidad.
Sa ilalim ng bagong batas, kailangang magpatupad ang Department of Education (DepEd) ng pambansang pamantayan sa accessibility ng mga paaralan.
Bilang pangkalahatang tuntunin, dapat may access ang mga mag-aaral sa basic education school na nasa loob ng tatlong kilometro o kayang lakarin mula sa kanilang tahanan.
Kung hindi ito posible dahil sa heograpiya, kalupaan o kaligtasan, kailangang maglaan ang DepEd at mga lokal na pamahalaan ng alternatibong paraan ng pag-aaral at suporta sa transportasyon.
Saklaw ng batas ang mga paaralan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDAs, kabilang ang mga komunidad na malalayo, kulang sa serbisyo, mahirap ang kalagayang pang-ekonomiya at apektado ng kaguluhan.
Inaatasan din ang pamahalaan na tugunan ang kakulangan sa mga pasilidad tulad ng kalsada, kuryente, internet connectivity, malinis na tubig, silid-aralan at transportasyon.
Sa loob ng isang taon, kailangang bumuo at ilathala ng DepEd ang National Last Mile and GIDA Schools Map upang matukoy ang mga paaralan at komunidad na nangangailangan ng karagdagang suporta at pondo.
Bukod sa imprastraktura, nakapaloob din sa batas ang dagdag na learning materials at kagamitan, health and nutrition programs, water and sanitation facilities at alternative learning modalities.
Maaari ring makatanggap ng hardship, mobility at transportation assistance ang mga kwalipikadong guro at non-teaching personnel na nakatalaga sa mahihirap na lugar, kabilang ang housing o accommodation assistance kung kinakailangan.
Binibigyang-pansin din ng batas ang mga Indigenous Peoples sa pamamagitan ng pagkilala sa indigenous languages, Indigenous Knowledge Systems and Practices at mga kuwentong pangkultura na pinagtibay ng komunidad.
Sinabi ni Go na dapat matiyak ng Department of Education at iba pang ahensiya na mararamdaman sa mga malalayong komunidad ang epekto ng batas, lalo na sa mga lugar na matagal nang kulang sa kalsada, silid-aralan, guro, kuryente at internet.
















