-- Advertisements --

Naghahanda ang transport group na PISTON para sa pagsasagawa ng isang malawakang tigil-pasada bilang matinding pagtutol sa sunod-sunod at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ayon kay PISTON National President Modesto Floranda, buo ang kanilang suporta sa dalawang araw na transport strike na ikakasa ng grupong MANIBELA simula Lunes, Setyembre 14, ngunit nagpaplano rin ang kaniyang grupo ng mas mahabang tigil-pasada na kasalukuyan pa nilang isinasapinal.

Iginiit ni Floranda na hindi sapat ang iniaalok na fuel subsidy ng pamahalaan para sa mga tsuper at operator, habang nananatili ang paninindigan ng kanilang hanay na kailangang kagyat nang ibasura ang Oil Deregulation Law.

Paliwanag ng lider-tsuper, sa loob ng 28 taon na pag-iral ng naturang batas ay patuloy lamang na pinapahirapan ang mga driver at ang buong mamamayang Pilipino dahil sa kawalan ng kontrol sa kontroladong pagtaas ng presyo ng langis sa merkado.

Muli namang nagbabala ang industriya ng langis na aasahan na naman ang panibago at panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo na lalong magpapabigat sa pasanin ng pampublikong transportasyon.