Naniniwala ang MalacaƱang na makakatulong ng malaki sa pagpapabilis ng isinasagawang imbestigasyon ang mga larawan at video na kuha kaugnay sa isang krimen.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kausunod ng babala ni Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas sa kaakibat na panganib ng pagkuha ng mga larawan at videos sa crime scene.

Sinabi ni Sec. Roque, mayroon talagang posibilidad na manganib ang buhay ng kumukuha ng larawan pero nariyan umano ang teknolohiya para mapabilis ang paglilitis sa mga lumalabag sa batas.

Ayon kay Sec. Roque, ito rin ang dahilan kung bakit mayroong mga nagsusulong ng pagkakaroon ng body cam ng mga police para makita ang mga nangyayari bago gumamit ng dahas.

Kaya rin daw marami ang CCTV sa mga lansangan para makita kung sino ang mga gumagawa ng krimen.

Dahil dito, naniniwala ang kalihim na mas mabuti pa rin kung mayroong video dahil napakadali umanong patunayan ang pananagutan ng pulis na bumaril sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.