Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 20.6% ang crime rate sa Pilipinas sa nakalipas na mahigit tatlong buwan simula nang ilunsad ang Safer Cities Initiative.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, bagamat may mga magkakasunod at nag-viral na krimen kamakailan, pinatutunayan ng opisyal na statistics na mas ligtas ang bansa ngayon kumpara sa mga nakaraang buwan.
Mula Abril 6 hanggang Hulyo 4, 2026, bumaba sa 7,883 ang naitalang focus crimes kumpara sa 9,506 na kaso noong naunang tatlong buwan o mula Enero 6 hanggang Abril 5.
Kabilang sa mga naitalang pagbaba ay sa carnapping, rape, physical injury, robbery, homicide, theft, at murder.
Ipinaliwanag ng PNP na ang positibong trend na ito ay bunga ng sumusunod na mga hakbang, ang Safer Cities Initiative na naglalayong paigtingin ang seguridad sa mga lungsod, mas pinalakas na pagbabantay at presensya ng mga pulis sa mga komunidad, tumaas ng 21.74% ang paghuli sa mga lumalabag sa mga lokal na batas tulad ng pag-inom sa pampublikong lugar, paggamit ng karaoke lampas sa oras, paglakad nang walang baro, at curfew sa mga menor de edad.
Ayon sa pulisya, ang pagkaaresto sa mga lumalabag dito ay nakatulong upang mapigilan ang mga mas malubhang krimen bago pa man ito mangyari.
Inamin ng pulisya na may mga kagimbal-gimbal o kapansin-pansing krimen na nangyari nitong mga nakaraang araw na mabilis kumalat sa social media.
Gayunpaman, binigyang-diin ng PNP na hindi nito sinasalamin ang pangkalahatang sitwasyon sa bansa dahil ang kabuuang datos ng krimen ay patuloy na bumababa.















