Iginiit ng Commission on Elections (COMELEC) ang suporta nito sa pagpasa ng batas laban sa political dynasty, kasunod ng direktiba ng Supreme Court sa Kongreso.
Matatandaang noong Agosto 26, 2026, nagdesisyon ang Supreme Court na may mandatory constitutional duty ang Kongreso na magpasa ng batas na nagbabawal sa political dynasties.
Batay sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution, dapat tiyakin ng Estado ang pantay na pagkakataon sa public service at ipagbawal ang political dynasties na dapat tukuyin sa pamamagitan ng batas.
Ayon sa Supreme Court, 39 na taon nang walang komprehensibong anti-political dynasty law kaya itinuring nitong grave abuse of discretion ang matagal na pagkabigo ng Kongreso na tumupad sa tungkulin nito.
Inatasan ng Korte ang Kongreso na kumilos at ipasa ang naturang batas sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na consistent ang suporta ng komisyon sa anti-political dynasty law. Panawagan niya sa Kongreso, dapat madaliin ang pagpasa ng batas dahil malapit na ang filing ng Certificate of Candidacy o COC sa Setyembre 20 hanggang 26.
Ayon kay Garcia, kailangan ding malinaw at tiyak ang magiging probisyon upang maiwasan ang malawak na interpretasyon ng COMELEC sa pagpapatupad nito.
Kapag naisabatas na, kailangan pa aniyang gumawa ang COMELEC ng implementing rules and regulations o IRR.
Sinabi ni Garcia na handang ipatupad ng COMELEC ang batas, kabilang na kung magiging epektibo ito sa 2028 elections.
















