ILOILO CITY – Ipinag-utos na ng korte na ibalik ng More Electric and Power Corporation sa Panay Electric Company ang operasyon ng power distribution sa lungsod ng Iloilo.
Ito ay kasunod ng isinagawang hearing sa expropriation case ng MORE Power sa assets ng PECO.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng PECO, sinabi nito na nagpapasalamat siya kay Judge Emerald Requina-Contreras ng Branch 23 ng Ramon AvanceƱa Hall of Justice sa pag-utos na ibalik muli sa kompanya ang operasyon ng power distribution.
Ayon kay Elamparo, hanggang sa Marso 26 pa maaaring mag-operate ang PECO kasabay ng hearing sa nagpapatuloy na legal battle.
Dahil sa nasabing desisyon ni Judge Contreras, nangangahulugan na ang lahat ng assets na kinuha ng MORE Power ay ibabalik sa PECO.
Umaasa naman si Elamparo na isisilbi kaagad ng sheriff ang pinakahuling desisyon ng korte.
Samantala, may buwelta naman ang More Electric and Power Corporation sa pamamagitan ng legal counsel na si Atty. Hector Teodosio.
Ayon kay Teodosio, ang tinutukoy ni Judge Contreras ay magpapatuloy ang hearing sa Marso 26 upang mabigyan ng pagkakataon ang PECO na makapagsumite ng plea sa Energy Regulatory Commission.
Inihayag ni Teodosio na ang mga personnel lang ng PECO ang papayagan na makapasok sa substation na nakuha ng MORE Power sa pamamagitan ng Writ of Possesion sa halip na ibalik sa PECO ang power distribution.
Sa ngayon ayon kay Teodosio, ang MORE Power pa rin ang may kontrol sa power distribution at hindi ang PECO.