Nakabalik na sa bansa ngayong araw ang broadcast-journalist na si Korina Sanchez at asawang si Mar Roxas kasama ang kanilang twin babies.

Ito’y matapos ang halos dalawang buwang pananatili sa Amerika mula nang ipanganak ang kambal na sina Pepe at Pilar sa pamamagitan ng surrogacy.

Batay sa impormasyon, dumating ang celebrity couple sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport mula United States via Hong Kong flight.

Makikitang bitbit ni Roxas ang baby bag sa gitna ng napakaraming tao sa paligid ng paliparan.

Una rito, mismong ang 54-year-old journalist ang nagpahayag ng excitement na pauwi na sila sa Pilipinas ng 62-year-old husband kasama ang kanilang kambal.

“Pauwi na sa wakas!!! Si Pepe need lang ilakad para tumahimik. Demanding for milk si little boy. Si Pilar was perfectly well behaved and ladylike. Love them both. Excited na si Lola, sasalubong!” ani Sanchez.