Pinayagan ng Movie and Television Review and Calssification Board (MTRCB) na maipalabas sa mga sinehan sa Pilipinas ang kontrobersiyal at inaabangang pelikula na “Barbie” sa kabila ng pagpapakita ng nine dash line ng China.
Ito ang kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee chair Senator Francis Tolentino matapos matanggap ang liham na ipinadala ng MTRCB kung saan ipinaliwanag ng board ang kanilang ginamit na batayan para payagan ang pagpapalabas ng pelikula na naging kontrobersyal dahil sa isang eksena nito na makikita ang mapa ng mundo kung saan sa may parte ng Asya ay makikita ang tila mga guhit na nine-dash line’ ng China.
Bunsod nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang Senador dahil nataon pa na ngayong araw, Hulyo 12 ang pagmarka ng ika-7 taon ng Arbitral victory ng Pilipinas sa pagdepensa sa West Philippine Sea.
Bagamat iginagalang umano ng Senador ang desisyon ng MTRCB, sinabi din nito na isang pagyurak sa karapatan ng mangingisda at hukbong dagat ng Pilipinas ang patuloy na pagkamkam ng China sa karagatan ng ating bansa.
Subalit sa panig naman ng MTRCB, pinabulaanan nito ang umano’y pagpapakita ng nine dash line ng China sa nasabing pelikula at ipinaliwanag na ang mga linya na nakasama sa landmass na may nakalagay na Asia sa pelikulang Barbie ay hindi U-shape at mayroon lamang itong walong dots o dashes at hindi siyam.
Sinabi din ng MTRCB na pinahahalagahan nito ang naging komento ng senador at sentimyento ng publiko kaya naman dalawang beses na dumaan sa screening ng board ang nasabing pelikula.
Hiningan din ng MTRCB ng paliwanag ang film distributor ng pelikulang Barbie, at kinunsulta rin ng board ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Office of the Solicitor General (OSG) gayundin ang mga eksperto sa West Philippine Sea kaugnay sa isyu.
Naniniwala pa ang MTRCB na ikinunsidera ang lahat at walang basehan para i-ban ang pelikula sa bansa dahil wala naman itong malinaw o direktang depiction ng nine-dash line katulad sa ibang pelikula.
Ang U-shaped kasi o nine dash line ay ginagamit sa mapa ng Tsina para ipakita ang unilateral claims nito na sakop ng inaangkin nilang karagatan sa loob ng kanilang umano’y exclusive economoc zone kabilang ang ikinokonsiderang continental shelf ng Vietnam.
Bunsod nito, nauna ng ipinagbawal ng bansang Vietnam ang bagong pelikula na Barbie dahil sa pagpapakita ng naturang nine dash line ng China.
Matatandaan na noong July 12, 2016, naipanalo ng Pilipinas ang inihaing petisyon sa arbitral tribunal laban sa teritorial claims ng China sa West Philippine Sea.