CAGAYAN DE ORO CITY – Kinontra ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang iginiit ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na napapanahon na upang amyendahan ang restrictive economic provisions ng 1987 Philippine Constitution.
Tinapatan rin ni KMP chairperson Danilo Ramos ng bagong hirit na tanging mismo si Marcos kasama si House Speaker Martin Romualdez at lahat ng mga politiko ang makikinabang kung hindi tututol ang taong-bayan sa kagustuhang mangyari ng administrasyon.
Ipinunto ni Ramos na hindi na kailangan ang 100 percent direct foreign investment ownership upang kunwari lalago ang pambansang ekonomiya.
Ito’y sapagkat matagal nang napapakinabangan ng mga banyagang negosyante ang Foreign Investor Long Term Lease Act o mas kilala na Republic Act no. 7625.
Nakasaad sa batas na ito na binigyang kapangyarihan ang foreign investors magamit sa mga lupain sa loob ng 50 taon at pinahintulutan mag-renew ng land use sa karagdagang 25 years.
Pagtuligsa pa ng grupo na hindi charter change ang kailangan subalit ang matagal nang isinulong na national industrialization at genuine land reforms kaya dapat manindigan ang taong-bayan na ibasura ang ambisyon ng mga politiko sa bansa.
Una nang duda ang maraming grupo na pag-alis ng term limits ng mga politiko at kunwari lang ang pag-amayenda ng economic provisions ang layunin ng charter change.