-- Advertisements --
image 32

Opisyal nang naiproklama Accession Council bilang bagong hari ng Britanya si King Charles III kasunod ng pagpanaw ng kaniyang ina na si Queen Elizabeth II.

Isinagawa ito sa pamamagitan ng isang seremonya na nagpapakita ng pormal na pagkikilala sa soberanya ng bagong hari matapos ang isang siglo na ginanap naman sa St. James’ Palace sa London.

Sa edad na 73 taong gulang ay nangako si King Charles III sa kaniyang official vow bilang bagong hari na malalim ang kaniyang kamalayan sa mga tungkulin at responsibilidad ng kaniyang soberanya.

“I am deeply aware of this great inheritance and of the duties and heavy responsibilities of sovereignty, which have now passed to me,”, bahagi ng pahayag ni King Charles III.

Sa kaniyang naging talumpati ay sinabi ng bagong hari na sa pag-ako ng mga responsibilidad na ito ay sisikapin niya raw na sundin ang mabuting halimbawang kaniyang nasilayan sa kaniyang ina.

“In taking up these responsibilities, I shall strive to follow the inspiring example I have been set.” dagdag pa niya.

Ibinahagi rin niya na lubos din aniya siyang nahihikayat nang dahil sa labis na suporta ng kaniyang asawa na si Camilla Parker Bowles na kasalukuyang Queen consort ng United Kingdom.

Samantala, ang naturang proklamasyon ay sinabayan ng walong trumpeter at sinundan naman ng tatlong cheers ng red-jacketed Coldstream Guards soldiers para sa bagong hari.

Nagsagawa rin ng sabay-sabay na ceremonial gun salute sa buong United Kingdom at gayundin ang proklamasyong nagpapahayag sa bagong monarch sa kanilang mga nasasakupan kabilang na Scotland, Northern Ireland at Wales.

Matatandaan na awtomatikong naging isang monarch si King Charles III matapos ang pagpanaw ng kaniyang ina na si Queen Elizabeth II sa edad na 96 taong gulang.