-- Advertisements --

Patuloy na makikipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng mga trabaho para sa mga mahihirap na indibidwal o miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito ang naging kasagutan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo nang matanong kung magbibigay din ba ng trabaho ang DOLE para sa mga nasa lansangan sakaling mapabilang sila sa 4Ps.

Iniutos kasi ni Pangulong Marcos sa mga lokal na pamahalaan na isama ang mga nasa lansangan sa naturang programa kasabay ng kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).

Tiniyak din ng kalihim ang pagpapalakas pa ng mga programa ng ahensiya kabilang na dito ang direktiba ng Pangulo na pagsasagawa ng job fairs kada buwan para maparami pa ang magkatrabaho sa taong ito.

Noong taong 2024 lamang, iniulat ng kalihim na nakapagsagawa ang ahensiya ng halos 2,000 job fairs kung saan nasa 400,000 ang nakilahok.

Liban dito, papalakasin din ng DOLE ang pakikipag-ugnayan sa public employment sector at sa mga lokal na pamahalaan para masigurong mabigyan ang mga higit na nangangailangan ng mga serbisyo at programa ng ahensiya.

Sa kaniyang SONA ngayong taon, ipinagmalaki ni Pangulong Marcos na nasa 1.5 milyon na ang nabenipisyuhan sa ilalim ng 4Ps na naabot ang self-sufficiency o mas mabuting antas ng pamumuhay at grumaduate na sa programa sa nakalipas na tatlong taon sa ilalim ng kaniyang pamumuno.