-- Advertisements --

Inaasahang dadalo si North Korean leader Kim Jong-un sa military parade sa Beijing sa Setyembre 3, kasabay nina Chinese President Xi Jinping at Russian President Vladimir Putin.

Ito ang kauna-unahang multilateral diplomatic event na sasalihan ni Kim mula nang maupo siya bilang lider noong 2011.

Ang pagdalo ni Kim ay tinuturing na senyales ng pagkakaisa ng North Korea, China, at Russia sa gitna ng tensyon sa Estados Unidos at South Korea.

Sa kabila ng panawagan para sa muling pagbubukas ng usapang diplomatiko mula kina President Lee Jae Myung ng South Korea at US President Donald Trump, tila mas pinipili ni Kim ang pakikipag-alyansa sa Beijing at Moscow.

Una rito, nagpadala na ng tropa at armas ang Pyongyang upang tumulong sa kampanya ng Russia sa Ukraine. Layunin din umano ng biyahe ni Kim na ayusin ang tensyon sa China, kasabay ng patuloy na suporta nito sa Russia.

Ayon sa mga ulat, si Kim ay uupo sa kaliwa ni Xi, habang si Putin naman ay nasa kanan. Usap-usapan naman na gagamitin niya ang kanyang forest green train para sa kanyang biyahe.