-- Advertisements --

Naglabas ng saloobin ang actress-host na si Kim Chiu matapos makatanggap ng pambabatikos at pagbabanta kaugnay ng kanyang naging pahayag sa social media tungkol sa mga nagaganap sa bansa.

Sa kanyang post, sinabi ni Kim na nalulungkot siya dahil tila gusto umano siyang patahimikin dahil lamang sa pagpapahayag ng kanyang opinyon.

“Nakakalungkot. That’s what happens when concern and opinion don’t align with them—gusto agad patahimikin,” ani Kim.

Iginiit din ng aktres na bilang isang Bisaya at Pilipino, may karapatan siyang magsalita at maghayag ng kanyang saloobin.

“Oo, Bisaya ko, pero Pilipino rin akong may karapatang magsalita at magpahayag ng saloobin,” dagdag niya.

Ayon pa kay Kim, masakit para sa mga ordinaryong mamamayan na nagbabayad ng buwis na makita ang mga kontrobersyang kinahaharap ng bansa.

“Masakit magbayad ng buwis tapos ganito ang nakikita natin. Hindi po tayo ang magkakalaban. Pare-pareho lang tayong mamamayan,” saad niya.

Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, gumamit si Kim ng salitang Bisaya upang hikayatin ang publiko na iwasan ang pag-aaway dahil magkakaiba lamang umano ang pananaw ng bawat isa.

Nauna nang nag-viral ang naging pahayag ni Kim matapos siyang magkomento kaugnay ng insidente sa Senado kung saan nagkaroon ng komosyon at umano’y pagpapaputok ng baril habang pinaghahanap si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa kanyang naunang post, kinuwestiyon ni Kim ang sitwasyon at nanawagan sa publiko na maging mapanuri sa pagpili ng mga lider.