Arestado sa Mandaluyong City ang kapatid ng aktres na si Kim Chiu na si Lakambini “Lakam” Chiu batay sa warrant of arrest na inilabas laban sa kanya para sa 124 counts ng Qualified Theft.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), tinukoy si Chiu bilang No. 6 Most Wanted Person ng Kamuning Police Station matapos siyang maaresto ng mga tauhan nito sa isang parking area sa Saint Francis St., Barangay Wack Wack dakong alas-4:06 ng hapon.
Inisyu ng Branch 24 ng Quezon City Regional Trial Court ang warrant of arrest na may inirekomendang piyansa na nagkakahalagang P5.8 million para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Kamuning Police Station para sa booking procedures at kaukulang legal na proseso, habang iginiit ni QCPD Director P/BGen. Christopher Olazo na ipapatupad ang batas nang walang pinapaboran.
Magugunitang noong Disyembre 2025 ay naghain ng reklamo si Kim Chiu laban sa kanyang nakatatandang kapatid matapos matuklasan ang malalaking iregularidad sa pinansyal na bahagi ng kanyang negosyo.
Inihayag ng aktres na isa ito sa pinakamasakit na hakbang sa kanyang buhay, ngunit kinailangan niyang gawin upang protektahan ang kanyang kumpanya at ang kabuhayan ng mga taong nagtatrabaho sa kanya.
















