-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Binatikos ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kung saan, ibinida nito na naging matagumpay ang programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na,” na nagbebenta ng bigas sa halagang ₱20 bawat kilo sa mga Kadiwa ng Pangulo outlets na ayon sa Pangulo ay napatunayan na posible ang murang bigas na hindi nalulugi ang mga magsasaka.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay KMP chairperson Danilo Ramos, pinasinungalingan nito ang sinabi ng Pangulo na hindi nalulugi ang mga magsasaka dahil sa katunayan aniya ay walang awtoridad ang National Food Authority (NFA) na bumili ng palay sa mga magsasaka dahil sa umiiral na Rice Tarrification Law at sa halip ay nag-iimport ang ahensya ng bigas.

Dagdag pa ni Ramos, kung may nabibiling kunting palay ang NFA mula sa mga magsasaka ay ginagawa lamang itong buffer stocking na may magamit o maayuda sa panahon ng sakuna.

Maliban dito, ang ibinebenta aniyang P20 pesos bawat kilo na bigas sa mga Kadiwa ng Pangulo outlets ay hindi sapat at limitado lamang ang nararating ng programa kung kaya’t dismayado ang grupo sa SONA ni Pangulong Marcos dahil sa wala aniya silang narinig na magandang programa o solusyon sa hamon na kinakaharap ng sektor upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Samantala, iniulat ng Pangulo na maglalaan ang pamahalaan ng nasa ₱113 bilyon pesos para palakasin ang mga programa ng Department of Agriculture gayundin tiniyak nito na maipagpatuloy ang kampanya laban sa mga mapagsamantalang negosyante sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.