Hindi na sapat ang pagpo-post sa social media at hindi na rin uubra ang pananahimik.
Ito ang mensaheng dala ng grupong Lihok Bol-anon batok Korapsyon sa isasagawang multisectoral prayer rally laban sa katiwalian mamayang hapon, sa Plaza Rizal Tagbilaran City Bohol.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Jun Amora, tagapagsalita ng grupo, inilarawan nitong simula pa lamang ang naturang pagtitipon sa mas malawak at mas sistematikong paniningil.
Ayon kay Atty.Amora, bawat isa ay parang kandila na may sariling liwanag, at responsibilidad na ipasa ito sa iba.
Binatikos pa nito ang matagal nang kawalang-pakialam ng publiko at ang pagiging “cyber warriors” lang ng ilan.
Ibinahagi pa nito na naranasan niya noon ang gintong pagkakataon tulad ng EDSA people power revolution na nagkaroon sila ng malaking pag-asa kung saan nagsagawa ng imbestigasyon at napakulong ang ilang senador at mambabatas, ngunit bumalik na naman umano ngayon at mas lumala pa ang katiwalian sa bansa.
“We had golden opportunities before – we had EDSA people power revolution. I can remember I was there. And we had high hopes and several investigations later we’re able to jail senators and congressman but look what happen, corruption is coming back in even more devastating scale,” paglalahad ni Atty. Amora.
Tapos na aniya ang panahon ng panandaliang galit at oras na para magtatag ng konkretong mekanismo na maaaring i-monitor, sukatin, at gamitin upang mapanagot ang mga opisyal, halal man o itinalaga.
Iginiit ng abogado na sa pamamagitan ng pagtitipon ay maaaring makapag setup sila, makapag-institutionalized ng movements, grupo o tema na magsisilbing mata at tenga laban sa mga tiwaling opisyal.
“So perhaps through this gathering, we can already setup, institutionalized moves, movements, groups, themes or whatever that will really take a look at these officials, elective and appointive, they will now be tiptoeing na because they know eyes and ears are already focus on them and they will be held accountable,” dagdag pa nito.
Samantala, hinikayat naman nito ang lahat na aktibong makilahok sa pagtitipon,ngunit mahigpit na pinaalalahanan na iwasang haluan ito ng anumang mga ideolohiyang politikal o adbokasiya na nagpromote ng mga personalidad dahil kukumpiskahin ang mga kagamitang dala o mga isinuot.