Mariing kinondena ni Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei ang paraan ng pamamahagi ng ayuda sa Gaza, na tinawag niyang “cheap form of genocide.” Aniya, sinasadya ng Israel na gamiting taktika ang gutom at pamamaril upang pasukuin ang mga desperadong Palestinian.
Ayon kay Khamenei, tinutulungan umano ng mga Kanluraning bansa ang ganitong polisiya sa pamamagitan ng “military precision.”
Ginawa ng lider ang pahayag kasabay ng lumalakas na pagkondena sa tumitinding krisis sa Gaza.
Ayon sa United Nations Office for Human Rights, hindi bababa sa 798 katao ang napatay malapit sa mga aid distribution points sa nakalipas na anim na linggo. Kung saan umabot na sa higit 57,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa Gaza.
Pinangangasiwaan ang mga distribution point ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF), isang organisasyong suportado ng Amerika at Israel.
Gumagamit ito ng mga pribadong American security at logistics firms, sa halip na dumaan sa mga UN aid channels dahilan upang kuwestyunin ng ilang grupo ang transparency at neutralidad ng operasyon.
Samantala, iginiit ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi siya papayag sa tigil-putukan hangga’t hindi kusang magdi-disarm ang Hamas—o kung hindi, gagawin ito ng Israel sa puwersahang paraan.
Ito’y kaugnay pa rin ng pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, kung saan 1,219 Israeli ang napatay at 251 ang dinukot. Sa mga ito, 49 ang nananatiling bihag, habang 27 ang kumpirmadong nasawi.